Ang nagtatag ng sektang “Iglesia ni Cristo” (INC) na si Felix Manalo ay isinilang noong Mayo 10, 1886 malapit sa Maynila. Binautismuhan siya bilang Catolico at pinadalo sa katesismo ng kanyang ina kung saan natutuhan niya ang mga pangunahing aral ng simbahang Catolico. Noong siya ay magbinata nagdaan siya sa isang ‘espiritwal’ na pagsasaliksik sa pamamagitan ng limang kilalang denominasyon. Umanib siya sa isang lihim na sektang tinaguriang “Colorum” na naglalakbay tungo sa isang ‘banal’ na bundok. Noong taong 1904 matapos marinig ang isang debate sa pagitan ng isang Catolicong pari at ministrong Protestante hinggil sa pagsamba sa mga imahen (God’s Message 1 July-September 1994), ay umanib siya sa Methodist Episcopalian Church, nag-aral sa kanilang seminaryo at naging isang pastor.
Naantala ang pag-aaral ni Manalo nang pumanaw ang kanyang ina. Nang kanyang balikan ang kanyang pag-aaral ay pumasok siya sa Presbyterian Bible School hanggang makilala niya ang grupong Christian Mission ng Church of Christ at noon ay nag-aral sa Manila College of the Bible sa loob ng apat na taon. Natutunan niya rito ang pagbabautismo sa pamamagitan ng pagtutubog (immersion) sa tubig at ang kaisipang panumbalikin ang Iglesya ng Bagong Tipan. Sa panahon ding ito’y napangasawa niya si Tomasa Sereneo na taga Paco, Maynila. Noong 1911 dumalo si Manalo sa isang pagtitipon ng mga Sabadista (Seventh-Day Adventist) upang makipagdebate sa misyonero nilang si G. L.V. Finster tungkol sa paniniwala ng mga ito na ang mga Cristiano ay nasa ilalim pa ng kautusan. Natalo siya sa debate at tumiwalag sa Christian Mission at umanib sa mga Sabadista. Ito ang huling inaniban niyang simbahan. Sa panahong ito ay pumanaw ang kanyang asawa at itinanan ang Sabadistang si Honorata de Gusman. Dahil dito’y nadisiplina siya sa kadahilanang umano'y nakagawa siya ng moral na paglabag.
Matapos tumiwalag sa mga Sabadista, inangkin ni Manalo na nakaranas siya ng pagtawag tulad ng sa mga sinaunang propeta. Tatlong araw na nagkulong si Manalo kasama ang kanyang Biblia at nang siya ay magpakita ay ipinaubaya niya ang kanyang negosyong pagsasapatos sa kanyang kaibigan at isinama ang kanyang asawa upang pasimulan ang kanyang misyon upang magtatag ng isang bagong simbahan. Inangkin niya na wala sa mga umiiral na simbahan ang nanatiling tapat sa katotohanan ng Biblia, samakatuwid ay wala ni isa sa kanila ang tunay na relihiyon, at dahil dito tiniyak sa kanya umano na isinusugo siya ng Diyos upang ipangaral ang ‘tunay’ na Iglesia ni Cristo (God’s Message 1 July-Spet. 1994). Tulad ng ibang nauna sa kanya biktima siya ng patibong na yamang walang perpektong relihiyon batay sa sarili niyang paghatol tungkulin niyang panumbalikin ang tunay na iglesya.
Pinasimulan niya noong 1913 ang sarili niyang pangkat at ipinarehistro ito noong 1914 kung saan mayroon siyang 12ng kaanib, bagamang iba-iba ang mga salaysay tungkol dito.
Ayon sa mga ulat at sa mga nalabing nailimbag na kasaysayan ng ‘Iglesia’, nilisan niya ang Pilipinas noong 1919 upang ibayo pang mag-aral tungkol sa relihiyon samantalang ipinagkatiwala ang kanyang simbahan sa kanyang mga katulong na ministro. Nagtungo siya sa ilang mga pook sa Estados Unidos upang mag-aral kasama ng mga Protestante—na sila ring kukundinahin ng mga ‘Iglesia’ bilang tumalikod sa pananampalataya. Ito ang kadahilanan kung bakit inililihim nila iyon. Naiulat na nag-aral siya sa Pacific School of Religion sa California. Ito ay limang taon matapos siyang umano’y tawagin bilang “huling sugo”. Nagtungo si Manalo sa Estados Unidos upang matuto sa aral ng mga kinukundina niyang “tumalikod sa pananampalataya”? Ano ang matututunan ng “sugo” ng Diyos sa isang grupo na itinuturing ng ‘Iglesia’ na tumiwalag na sa tunay na pananampalataya? Gayon pa man naiulat din na walang tala ang seminaryo na siya ay naging estudyante roon. Sa taong iyon habang siya’y malayo ay lumago ang kilusan (3,000ng miyembro) hanggang mahati ito sa kagagawan ni Teofilo Ora na isa sa mga una nitong ministro.
Noong 1914 hindi pa paniniwala ni Manalo na siya ang “huling sugo” ng Diyos. Hindi niya ginamit ang doktrina ng “huling sugo” hanggang noong 1922. May ilang sitwasyon ang nagbunsod sa kanya na ituro ito. Ang opisyal na petsa ng pagkakarehistro ng kanyang simbahan ay Hulyo 27, 1914 na petsa rin ng pagsisimula ng Unang Digmaang Pandaigdig. Una silang nakilala bilang “Iglesia ni Kristo” gamit ang “K” na maglaon ay pinalitan ng “C”. Matapos nga ang apokaliptikong impluwensya sa kanya ng mga Sabadista at ng lahat ng kanyang napag-aralan kaya binigyan niya ng kahulugan ang petsang ito. Inangkin niya na ito ang nagtapos sa panahon ng ika-anim na ‘tatak’ kaugnay ng Apocalipsis 7. Isa pang sanhi ng pagpapatibay sa doktrinang “sugo” ay ang pagkakahati ng kilusang “Iglesia”. Lumalabas na ginamit ni Manalo ang doktrinang “sugo” upang pagkaisahin at muling igiit ang kanyang pamumuno sa simbahan upang ito ay kanyang mahawakan.
Noong pinasimulan ni Manalo ang sarili niyang simbahan hindi niya itinuro ang kasalukuyang mga doktrina at kaugalian ng “Iglesia”. Noong una hindi tinuligsa ni Manalo ang pagkadiyos ni Cristo. Noon lamang 1930 niya mariing pinabulaanan ang pag-iral ni Cristo bago ang sanlibutan, na Siya ang una sa panukala ng Diyos (pre-existence).
Sa pagbabalik ni Manalo sa Pilipinas at sa pagpapatuloy ng kanyang pamumuno mabilis na lumago ang “INC” sa buong Pilipinas. Muli siyang naglakbay tungo sa America noong 1938 na umaasang makalikom siya ng sapat na pondo upang makapagpatayo ng kapilya sa Maynila. Habang dumarami sila lalo rin silang yumaman.
Ayon sa “INC” hindi niya nakamit ang layuning ito dahil sa kanyang pagkakasakit na nagtulak sa kanya upang magbalik muli sa Pilipinas. Pumanaw si Felix Manalo noong Abril 12, 1963. Inakala ng marami na magkakawatak-watak ang simbahan sa kanyang pagpanaw ngunit ang totoo’y pinaghandaan na niya ito. Sampung taon na ang noon ay nakalipas, Enero 28, 1953, kanyang hinirang si Eraño Manalo (“Ka Erdy”) bilang kanyang kapalit sa pagiging Executive Minister at pinuno ng “INC”. Siya ang ikalimang anak ni Felix at Honorata. Si Eraño ang sumulat ng 64-na-pahinang aklat na tumutuligsa sa pagkadiyos ni Cristo na pinamagatang “Christ-God; Investigated—False”. Sa pamamagitan nito ay pinasimulan ang isang sistematikong kampanya ng pag-atake sa tunay na Iglesya at sa kanyang mga doktrinang minana sa mga apostol.
Inilathala ng “INC” ang unang isyu ng kanilang opisyal na magasin, ang “Pasugo” noong 1939. Ang buwanang magasin na ito ay inilathala sa wikang Pilipino. Napakahalaga ng magasing ito dahil ito ang pinanggagalingan ng mga nakasulat na espiritwal na katuruan na pinababasa ng “INC” sa kanilang mga kaanib. Ito ang pamamaraan ng pagdodoktrina na nagtataguyod sa inaangkin nilang “katotohanan.” Noong panahon ng Hapon ay natigil ang pagpapalimbag ng “Pasugo” ngunit nanumbalik ito noong 1951. Nitong mga nagdaang taon, inilimbag ng “INC” ang kanilang magasin kung saan kalahati nito ay isinulat sa wikang Ingles at ito ay inilalathala na rin sa Estados Unidos kung saan ang kabuuan nito ay isinulat na sa wikang Ingles.
Nakilala ang kilusang ito sa kanilang panunuligsa sa pamamagitan ng kanilang mga lathalain at publikong pagpapahayag, subalit kapag sila ang tinuligsa ng iba ay tatagurian lamang nila ang mga ito na lumalaban sa ‘bagong’ Iglesia ng Diyos, samakatuwid ay hindi karapat-dapat pansinin. Patuloy nilang mahigpit na hinahawakan ang kanilang mga kaanib at walang hangaring magbago upang maging ‘ortodoks.’
Ang salin ng Biblia ni George Lamsa ay hango sa wikang Aramaico na ipinapalagay niyang higit na may awtoridad. Pinaniniwalaan ni Lamsa na ang orihinal na mga teksto ng Kasulatan ay isinulat sa Aramaico at maglaon ay pinalitan ng Griego. Ang tekstong Aramaico ay salin noong huling bahagi ng ika-apat na siglo ng wikang Syriaco, isang wikang Semitico na gamit sa Syria, subalit lahat ng pinakamatandang manuskrito ay sa wikang Griego. Mali ang paniniwala ni Lamsa sa mga kadahilanang: (1) hindi maaaring makipag-usap si Pablo sa mga pinunong Romano o sa mga Griego sa wikang Aramaico; (2) noong 250 B.C. isinalin ang Kasulatang Hebreo sa Griego na nakilalang Septuagint; (3) ang Bagong Tipan ay isinulat sa Griegong “koine” (pangkaraniwan) at wikang Griego ang laganap na wika ng daigdig mula sa paghahari ni Alexander the Great at ng emperyong Romano; (4) madalas magbanggit ang mga sumulat ng Bagong Tipan mula sa ‘Septuagintong’ salin (Griego) ng Lumang Tipan; (5) Si Cristo at ang mga alagad ay may mga pakikipag-usap gamit ang mga salitang Griego na walang eksaktong katumbas sa Hebreo o Aramaico (Halimbawa: “aso” [Marcos 7:27]; “minamahal” [Juan 21:15-17]).
Unang-una, si George Lamsa ay hindi naniniwala, manapa’y laban pa sa lahat ng bagay na supernatural o mahimala. Tinanggihan niya ang doktrina ng Trinidad na ipinahihiwatig ng kanyang salin at siyang dahilan kung bakit ginagamit ito ng mga kulto. Paniniwala niya na ang kasalanan ay hindi paglabag kundi pagkakamali lamang. Naniniwala siya sa doktrinang Universalism na nangangahulugang wala ni isang taong mapapahamak sa impyerno kundi lahat ay maliligtas at makakarating sa langit (isang bagay na tiyak na hindi matatanggap ng Iglesia ni Cristo). Naniniwala siya na ang Espiritu Santo ay hindi isang ‘persona’ kundi isang impersonal na impluwensya o puwersa. Tulad ng mga Saduceo hindi siya naniniwala na may personal na nilalang na tinatawag na anghel o demonyo. Naniwala rin siya na si Cristo ay mayroong dalawang persona sa iisang katawan (ang matandang hidwang pananampalatayang [heresy] Nestorianism) imbis na ang biblikal na aral na Siya ay dalawang kalikasan sa iisang persona. Madalas niyang binibigyang-kahulugan ang mga salita ng Kasulatan, hindi bilang literal, kundi patalinhaga (allegorical o may mas malalim na kahulugan). Tinuturo ng “INC” na ang kaligtasan ay sa pamamagitan ng pagiging kaanib ng Iglesya subalit hindi ito ang tinuturo ng kinikilala nilang kwalipikadong tagapagsalin ng Biblia.
Naniniwala ang “Iglesia” na ang Kasulatan ay kinasihan at walang kamalian subalit kung ito ay umaayon sa kanilang mga katuruan. Ito ang dahilan kung bakit gumagamit sila ng iba’t ibang salin ng Biblia bagamang paborito nila ang saling Lamsa and Moffat na itinatanggi ang pagkadiyos ni Cristo. Itinuturo nila na ang ‘pangkaraniwang’ Cristiano ay walang kakayahang pag-aralan at unawain ang Biblia kaya dapat itong ipaliwanag sa kanila ng mga awtorisadong ministro. Sa bagay na ito nagkakatulad sila ng simbahang Romano Catolico. Kaya ang awtoridad ay wala talaga sa Salita ng Diyos kundi nasa “sugo” ng Diyos at sa kanyang mga ministro (PASUGO, Feb. 1973, p. 16; Nov. 1973, pp. 19, 20; Jan. 1976, p. 12). Sa kadahilanang ito ang mga pangkaraniwang kaanib ng “INC” ay nakakabasa lamang ng Biblia kapag nasa loob lamang ng kapilya o sumasailalim sa pagtuturo. Hindi sila hinihikayat na magbasa sa kanilang sarili ng Biblia.
Ang kanilang taktika sa pagkumbinsi sa mga taong mangmang na si Cristo ay hindi Diyos ay: (1) inihihiwalay nila ang mga talatang kanilang ginagamit sa konteksto nito; (2) patuloy nilang tinuturo na ang Biblia lamang ang pinagmumulan ng awtoridad ng anumang katuruan subalit tuso nilang pinawawalang-bisa ang awtoridad nito sa pamamagitan ng pagkuwestyon sa katotohanang ito’y mapagkakatiwalaan at sa pagsasabi, halimbawa, “na ilan sa mga kataga ng Biblia ay mali ang pagkakasalin” (PASUGO, Feb., 1973, p. 16); (3) binabanggit nila ang mga isinulat ng ilang Protestanteng teologo at manunulat at pinuputol ito, o di kaya’y inihihiwalay ito sa mismong intensyon ng sumulat upang patunayan na umaayon ang mga ito sa kanilang doktrina.
Sumasang-ayon sila na ang pangunahing suliranin ng tao ay ang kasalanan at sumasang-ayon din sila na ang kamatayan lamang ni Cristo ang solusyon sa suliraning ito. Subalit ipinapangaral din nila na ang tanging paraan upang maigawad ang bisa ng kamatayan ni Cristo ay sa pamamagitan ng Iglesya at ng kanyang “sugo” kaya hindi man tuwiran ay itinatanggi nila ang kaligtasan batay sa biyaya sa pamamagitan ng handog-pantubos ni Cristo sa krus lamang na nakakamtan ng hinirang sa pamamagitan ng ipinagkaloob sa kanyang pananampalataya at pagsisisi (Efeso 2:8, 9).
Tinuturo nila na ang layunin ni Cristo ay itatag ang “Iglesia”. At yamang si Cristo ang tagapagligtas ng Iglesia kailangang maging kaanib ang isang tao sa Iglesiang ito upang siya’y maligtas. Binaligtad nila ang turo ng Biblia: nagiging kaanib ang tao ng Iglesya matapos siyang iligtas ni Cristo at hindi ang aanib siya upang maligtas. Malinaw sa kanilang mga lathalain na “ang pagiging kaanib sa organisasyon at ganap na pagpapasakop sa Executive Minister at sa buong pamunuan ang tanging daan ng kaligtasan” (PASUGO, January 1976, pp. 5, 9, 176, 190).
Hiniram ng “INC” ang doktrinang “soul-sleep” mula sa mga Sabadista kung saan itinuturo nila na walang kamalayan ang kaluluwa pagkamatay ng tao. Ito ay impluwensya kay Manalo ng kanyang pagiging kaanib at pag-aaral sa ilalim ng mga Sabadista bago niya naitatag ang sarili niyang simbahan.
Nawa’y pangunahan kami ng pinagpalang Diyos sa patuloy na pagtatagumpay habang aming ipanapahayag ang Kanyang kaluwalhatian at biyaya. Sa Kanya ang kaluwalhatian magpakailan man!
A newsletter/journal published in Filipino (Tagalog dialect) as a ministry of the denomination of Bastion of Truth Reformed Churches in the Philippines. It is primarily a means of instruction as well as a medium to proclaim and explain the convictions of the BTRC concerning the Gospel of God's sovereign particular grace in salvation.